
MANILA – Pinagtibay ng gobyerno ng Japan ang kanilang pangako na makipagtulungan sa international partners para labanan ang lumalalang problema ng plastic pollution, gamit ang science at technology bilang basehan ng solusyon.
Ayon sa Embassy of Japan sa Pilipinas, layunin ng kanilang gobyerno na magkaroon ng global cooperation upang makahanap ng sustainable solutions sa plastic waste. “Suportado ng Japan ang pagbibigay ng equipment at human resource development para sa marine environmental monitoring kaugnay ng plastic pollution,” ayon kay Ambassador Endo Kazuya.
Dagdag pa niya, ang pag-unlad at pagpapalaganap ng marine monitoring at recycling technologies ay mahalaga para sa epektibong pagsugpo sa marine plastic pollution, kabilang na ang pagpapatupad ng posibleng future treaty. Binanggit din niya ang kahalagahan ng nuclear science and technology sa pagtugon sa mga global challenges gaya ng plastic waste.
Aniya, makatutulong ang mga scientific tools sa pagbibigay ng tumpak na datos sa antas ng polusyon at sa pagpapabuti ng recycling at reuse systems. Upang tuluyang masolusyunan ang problema, kailangan ang matibay na international framework sa pamamagitan ng global cooperation.
Batay sa ulat ng World Bank noong 2021, ang Pilipinas ang ikatlong pinakamalaking contributor ng plastic pollution, na may tinatayang 0.75 milyong metric tons ng mismanaged plastic na napupunta sa karagatan kada taon. Noong nakaraang taon, ipinagmalaki ni President Ferdinand Marcos Jr. ang hakbang ng bansa na gamitin ang nuclear science sa paggawa ng mga durable at commercially viable na construction materials mula sa plastic waste.




