
MANILA – Naaresto ng pulisya ang isang 28-taong-gulang na Nigerian sa Pasay City matapos umano siyang lumabag sa Anti-Rape Law sa insidente sa loob ng isang condominium sa Barangay 76.
Ayon sa ulat ng Pasay City Police, nag-umpisa ang gulo bandang 3 p.m. noong Enero 6 nang paratang ng suspek na may dalawang gold rings siyang nawawala. Inakusahan umano nito ang babae na ninakaw ang mga singsing at itinatago sa kanyang private parts.
Ani PCol. Joselito De Sesto, pinilit ng suspek na hubarin ang biktima at i-spread ang kanyang legs upang makita ang maselang bahagi, subalit walang nakita. Agad na humingi ng tulong ang babae at rumesponde ang security guard ng condo para dalhin sila sa Sub Station 10.
Binanggit ni De Sesto na ang suspek ay dapat nagpatulong sa awtoridad sa halip na gawin ang sarili niyang hustisya. “Bawal sa lalaki ang mag-search sa private parts ng babae,” dagdag niya. Ayon sa medico-legal, may blunt penetrating trauma sa biktima.
Patuloy ang imbestigasyon at nananatiling nasa kustodiya ng pulisya ang suspek. Sinisiyasat ng Pasay City Police ang lahat ng angulo ng insidente, kabilang ang paratang ng pagnanakaw, ngunit malinaw na ang di-makatarungang ginawa ng suspek sa babae ang pangunahing kaso.




