
Tondo, Maynila — Patay ang dalawang tricycle driver matapos mauwi sa pananaga at pamamaril ang kanilang alitan sa Velasquez Street Corner Jacinto Street, Barangay 96, Tondo, Miyerkoles ng gabi, Enero 7.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pasado alas-siete ng gabi ay minamaneho ni Marlon, 21-anyos, ang kaniyang tricycle nang makasalubong ang dalawang suspek na sina Edmond at Eugene, kapwa tricycle driver. Binantaan at pinagmumura umano siya ng mga suspek kaya bumaba sa tricycle at doon na nagkaroon ng tagaan.
“Nagkaroon ng barilan. May alitan sila kanina pang madaling araw,” sabi ni Bejamin Cabral, Kagawad ng Barangay 96. Ayon naman kay Mary Joy Nicolas, dating kinakasama ni Marlon, pinagtatalunan umano nila ng suspek ang buena mano sa tricycle. Ang pinsan ng mga suspek ay nagkuwento ring may tatlong taong may hawak ng itak sa insidente.
Maya-maya pa, hinataw ni Edmond si Marlon gamit ang itak, at pinaputukan naman siya ni Eugene. Nakarating sa lugar ang pulis at sinubukang awatin ang gulo, ngunit tinutukan ng baril ni Eugene ang mga rumespondeng pulis kaya napilitan silang bumalik ng putok, na tumama kay Edmond. Nakatakas si Eugene dala ang ginamit na baril.
Agad na dinala sa ospital ang biktima at ang sugatang suspek. Idineklarang dead-on-arrival si Marlon dahil sa tama ng bala sa dibdib at hiwa sa batok. Sa ospital naman, binawian ng buhay si Edmond matapos tamaan ng bala sa tiyan mula sa pulis. Nasa kustodiya na ng Homicide Section ng Manila Police District ang rumespondeng pulis habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.




