
Ang 2026 national budget ay tinawag ni Sen. Imee Marcos na “pinaka-sneakiest” at hindi ang pinakamalinis, matapos niyang sabihin na walang tunay na spending item ang na-veto ng Pangulo, kundi unprogrammed appropriations (UA) lamang na wala pang pondo.
Ayon kay Marcos, buo pa rin ang mga alokasyong may bahid ng “pork”, at hinati-hati lamang ang mga ito sa iba’t ibang item. Binigyang-diin niya na kahit pinagpira-piraso, nananatili pa rin ang pork barrel sa badyet.
Kuwestiyon din niya ang pagdoble ng pondo sa farm-to-market roads (FMR) at nagbabala na maaari itong mauwi sa political patronage. Tinukoy rin niya ang paglobo ng ayuda at medical assistance na maaaring gamitin bilang pang-impluwensiya sa eleksyon, lalo na kung idadaan sa mga pulitiko.
Samantala, binatikos ng ACT Philippines ang pag-veto sa bahagi ng UA na umano’y para sa sahod ng mga bagong guro at kawani, na makaaapekto sa libo-libong job order at contract workers. Giit nila, nananatiling kulang ang pondo sa edukasyon kahit may malaking alokasyon.
Iba naman ang pananaw ng ilang mambabatas na nagsabing ang hakbang ng Pangulo ay panalo para sa fiscal discipline at transparency, at dapat itong maging panimulang hakbang para sa mas mahigpit na pananagutan sa bawat piso ng badyet.




