
Ang Quezon City Police District (QCPD) ay nagsabi na base sa digital forensic exam, posibleng may emotional at financial stress ang nawawalang bride-to-be na si Sherra De Juan bago siya mawala. Ayon sa pulisya, ang datos ay galing sa kanyang cellphone at laptop, at patuloy pa ang imbestigasyon.
Sinabi ni Police Colonel Randy Glenn Silvio na may mga mensaheng nagpapakita ng pag-aalala ni Sherra sa kalagayan ng kanyang ama at sa gastos sa nalalapit na kasal. May nakita rin umanong online searches tungkol sa gamot bago ang kanyang pagkawala. Binigyang-diin ng QCPD na seryoso at sensitibo ang paghawak sa kaso.
Nawala si Sherra De Juan noong December 10 matapos niyang sabihing bibili lang siya ng sapatos para sa kasal na naka-iskedyul noong December 14. Mula noon, hindi na siya nakita.
Mariing itinanggi ng fiancé na si Mark Arjay Reyes ang mga pahayag ng pulisya. Ayon sa kanya, covered ng HMO ang gamutan ng ama ni Sherra at bayad na ang lahat ng gastos sa kasal. Dagdag pa niya, ang mga online searches ay maaaring dahil lang sa acidic at pag-iingat sa gamot. Iginiit din niya na maayos ang kalagayan ni Sherra bago ito mawala.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng QCPD sa pamilya at iba pang ahensya para mahanap si Sherra. Humihingi ang pulisya ng tulong sa publiko at may ₱150,000 reward para sa impormasyong magtuturo sa kanyang kinaroroonan.




