
Ang Anti-Political Dynasty Bill ay maituturing na pinakamagandang regalo ng Pasko para sa mga Pilipino, ayon kay Rep. Nathan Oducado ng 1Tahanan party-list. Hinimok niya ang mga mambabatas na tulungan itong maipasa.
Ayon kay Oducado, nagdudulot ng korapsyon ang dynastic politics sa iba't ibang antas ng gobyerno. Kailangan ipakita na ang pampublikong posisyon ay hindi negosyo ng pamilya, lalo na sa mga nasa kapangyarihan ngayon. Bagaman hindi lahat ng miyembro ng political dynasty ay corrupt, mahalagang maipasa ang batas upang ipakita na kumikilos sila laban sa problema.
Inihain ni Oducado ang limitasyon sa dami ng politiko na magkakaugnay sa pamilya, hanggang sa pangalawang antas ng kamag-anakan, para sa parehong lokal na pamahalaan. Ayon sa kanya, anumang hakbang na maglilimita sa political dynasty ay panalo na sa laban kontra korapsyon.
Para kay Rep. Chel Diokno ng Akbayan party-list, mabuting ipahayag ni Pangulong Marcos bilang “urgent” ang anti-dynasty bill. Ito ay hakbang upang patunayan na seryoso ang gobyerno sa paglaban sa korapsyon.
Kasabay nito, inihain ni Rep. Leila de Lima ang HB 6626 o Anti-Illicit Enrichment at Anti-Illicit Transfer Act, na magbibigay ng bagong paraan upang labanan ang korapsyon. Ayon kay De Lima, mas madali itong patunayan kaysa sa plunder law at makakatulong sa mas epektibong paniningil ng pananagutan sa opisyal ng gobyerno.