
Ang Commission on Audit (COA) ay naglabas ng ulat na nagsasabing umabot sa P6.4 bilyon ang nalugi ng gobyerno dahil sa sira at hindi nagamit na infrastructure projects ng DPWH noong 2024. Ayon sa COA, 747 projects ang may defects, di natapos, o basta iniwan.
Sa ulat, lumabas na ang Region 6 ang may pinakamalaking halaga ng problema na umaabot sa P3.458 bilyon, kung saan nakita ang cracks, pavement defects, at structural issues sa mga proyekto sa Bacolod, Negros Occidental, Iloilo, Capiz at Antique. Sinundan ito ng Region 10 na may higit P1.5 bilyon na kulang, mali, o hindi natapos na proyekto.
May mga natuklasan ding overstated costs, negative variances, at technical defects sa iba pang bahagi ng Region 10 tulad ng Cagayan de Oro at Iligan. Samantala, ang Region 4-B naman ay may 153 projects na may cracks, collapsed sections, at unaccomplished works na nagkakahalaga ng higit P84 milyon.
Nagpayo ang COA sa DPWH na pagawain agad ang mga kontraktor at ayusin ang lahat ng nakita nilang sira at pagkukulang. Pinuna rin ng COA ang maling reporting sa status ng ilang proyekto.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na higit P180 bilyon na ang posibleng nawala sa ghost flood control projects mula 2016. Base raw sa inspeksiyon nila nina Sen. Sherwin Gatchalian, lumabas na kung 600 sa 10,000 projects ay ghost, maaaring 6% ng kabuuang 30,000 projects ay hindi talaga umiiral.




