
Ang isang driver sa South Korea na inakusahan ng “pagnanakaw” ng Choco Pie ay tuluyang napawalang-sala matapos ang halos dalawang taon na pagdinig. Unang pinagbintangan ang lalaki dahil sa pagkuha ng Choco Pie at isang mini custard na nagkakahalaga ng 1,050 won, mula sa refrigerator ng kanilang opisina.
Sa simula, gusto ng prosecutor na bigyan lamang ng summary indictment ang driver, kung saan magbabayad siya ng maliit na multa. Pero tumanggi ang manggagawa at humiling ng pormal na trial para patunayan na inosente siya. Sa unang hatol, pinagmulta siya ng 50,000 won, pero agad niya itong ina-pela.
Sa huling desisyon ng korte, sinabi nitong walang sapat na basehan para sabihing nagnakaw ang driver. Ayon sa ruling, sinabi mismo ng kumpanya na puwedeng kumain ng meryenda ang mga drivers sa opisina. Marami ring subcontracted workers at security officers ang umaaming kumukuha rin ng snacks mula sa refrigerator.
Dagdag ng korte, mahirap patunayan na may intensiyon siyang magnakaw, lalo na’t maraming empleyado ang gumagawa rin nito. Dahil dito, napawalang-sala ang driver. Ayon sa kanyang abogado, labis na kahihiyan ang dinanas ng driver dahil sa simpleng gutom na nauwi sa matagal na kaso.
Naging mainit na usapan sa South Korea ang insidente, at ikinumpara pa ang driver kay Jean Valjean ng “Les Miserables,” na nakulong dahil sa pagnanakaw ng tinapay para sa pamilya.




