
Ang Pilipinas ay dumaan sa isa sa pinakamapinsalang taon sa kasaysayan, ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian. Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi niya na sunod-sunod na bagyo, lindol, at iba pang sakuna ang tumama sa bansa at nag-iwan ng daan-daang nasawi.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang mahalagang papel ng DSWD production centers sa Pasay at Cebu, na mabilis nagpaabot ng relief goods kapag may kalamidad. Ayon sa kanya, kaya nilang gumawa ng 25,000 family food packs bawat araw, ngunit kailangan pa ng isang resource center sa Mindanao dahil “sa sakuna, mahalaga ang bilis.”
Ipinaalala rin ni Gatchalian na ang Pilipinas, na nasa Pacific Ring of Fire, ay kabilang pa rin sa top five most disaster-prone countries sa mundo. Dahil dito, umaasa siyang madaragdagan ng P32 bilyon ang budget ng DSWD upang masuportahan ang mga programa gaya ng 4Ps at Assistance to Individuals in Crisis Situations.
Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense, umabot sa mahigit 200 ang nasawi sa Bagyong Tino, habang may humigit-kumulang 30 naman sa Uwan. Ang 6.9 magnitude na lindol sa Cebu ay pumatay ng higit 70 katao at sumira ng halos 185,900 bahay. Nagdulot din ang Bagyong Verbena ng malawak na pinsala, naapektuhan ang higit 275,000 katao, libo-libo ang inilikas, at maraming paaralan at klase ang nasuspinde.
Patuloy namang naka-Code Blue ang DSWD at tuloy-tuloy ang pamamahagi ng FFPs, hygiene kits, at ready-to-eat meals. Sa Negros, namigay sila ng 10,000 food packs, habang sa Caraga, nagbigay sila ng pagkain sa mga na-stranded. Tiniyak ng ahensya na mananatili silang handa habang kumikilos ang Bagyong Verbena sa West Philippine Sea at papalapit sa Kalayaan Islands.




