
Ang Pilipinas ay nanguna sa 2025 World Risk Index bilang pinaka-delikadong bansa sa baha mula sa 193 na bansa. Ayon sa Forest Foundation Philippines, mataas ang panganib ng bansa dahil sa lokasyon nito at madalas na pagdaan ng bagyo at malalakas na ulan.
Sa pagdinig ng House Committees on Sustainable Development Goals at Climate Change, binigyang-diin ni Alaya de Leon ng Forest Foundation Philippines na kailangan ng nature-based at sustainable solutions para labanan ang epekto ng climate change. Ayon sa kanya, ang panganib ng baha ay iba-iba sa bawat rehiyon depende sa geography, imprastraktura, at urban planning.
Ipinunto ni Rep. Jose Manuel Alba na hindi sapat ang malalaking proyekto gaya ng dams at sea walls. Aniya, dapat isulong ang mga solusyong hindi nakasisira sa kalikasan. Sinabi rin ni Rep. Aniela Tolentino na ang nature-based solutions ay makatutulong sa paghahanapbuhay, kalikasan, at climate resilience.
Isinusulong ngayon ng Kongreso ang Low Carbon Economy Bill ni Rep. Alba para magkaroon ng legal na batayan sa carbon market. Samantala, ang DENR ay gumagawa ng executive order na magbibigay ng malinaw na gabay sa pagpapatupad ng mga nature-based projects.
Nagpahayag din ng mga kongresista ng pagkadismaya sa patuloy na korapsyon sa flood control projects. Ayon kay Rep. Antonio Tinio, kailangang wakasan ang katiwalian upang maiwasan ang paulit-ulit na pinsala sa mamamayan. Dagdag ni Rep. Sarah Elago, mas epektibo ang tunay na disaster preparedness at pangangalaga sa kalikasan kaysa sa mga proyektong nauuwi sa korapsyon.




