
Ang dating Speaker na si Martin Romualdez ay posibleng harapin ang reklamo dahil sa umano’y gross negligence matapos italaga si dating kongresista Zaldy Co bilang House Appropriations Committee chair. Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, si Romualdez ang dapat managot dahil siya ang pumili kay Co para sa puwesto.
Sinabi ni Remulla na si Zaldy Co ay may kinalaman sa umano’y insertions o dagdag sa 2025 national budget. Itinanggi naman ni Co ang lahat ng alegasyon at sinabing “puro kasinungalingan” ang mga ito.
Nagbitiw si Romualdez bilang Speaker noong Setyembre upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa mga flood control projects. Giit niya, gawa-gawang kuwento lamang ang mga isyung nagdudugtong sa kanya sa mga umano’y kickbacks.
Binanggit din ni Remulla na iniimbestigahan ngayon si Senador Chiz Escudero dahil sa mga ulat na may perang nag-trail papunta sa kanya. Kasama rin sa imbestigasyon ang Villar family kaugnay ng mga proyekto sa Las Piñas-Bacoor River Drive, kung saan sinasabing may mga benepisyong natanggap sa pagpapaganda ng lugar.
Ayon kay Remulla, magsasampa sila ng kaso sa Nobyembre 11 laban sa mga sangkot at nakinabang sa mga proyektong flood control. Samantala, sinabi ng Independent Commission for Infrastructure na natuklasan nila ang “total connivance” o sabwatan ng mga opisyal ng gobyerno, kongresista, at DPWH.


