
Ang Maynila ay may planong magtayo ng Halal Town sa Quiapo, malapit sa Manila Golden Mosque, na kilala bilang tahanan ng komunidad ng mga Muslim sa lungsod. Layunin ng proyekto na gawing cultural, culinary, at economic hub ang lugar na magpo-promote sa halal industry at magbibigay ng oportunidad sa mga Muslim-friendly na negosyo.
Si Mayor Isko Moreno at Budget Secretary Amenah Pangandaman ay bumisita sa lugar upang suriin ang plano. Ayon kay Moreno, balak nilang ayusin ang paligid at magdagdag ng mga bagong pasilidad tulad ng pedestrian areas at al fresco dining zones na hindi dadaanan ng sasakyan. “Gusto naming mag-invest sa talento at kultura ng ating mga kapatid na Muslim. Dito, ligtas, malinis, at may halal na pagkain,” sabi ni Moreno.
Ayon kay Pangandaman, na isang Maranao princess at kaisa-isang Muslim sa gabinete, susuportahan ng pambansang pamahalaan ang proyekto. Bagama’t wala pa ang eksaktong gastos, tiniyak niyang tutulong ang DBM sa paghahanap ng pondo. “Hahanapan natin ng pondo dahil mahalaga ito, lalo’t malaking tulong sa ekonomiya,” aniya.
Dagdag pa niya, napapanahon ang proyekto dahil ang Pilipinas ang magiging host ng ASEAN Summit sa susunod na taon, at inaasahang dadalo ang maraming bisitang Muslim. Ang halal industry ay multi-bilyong pisong negosyo sa buong mundo na makakatulong hindi lang sa turismo, kundi pati sa trabaho ng mga Pilipino.
Ang Halal Town ay sasakop sa bahagi ng Globo de Oro, Arlegui, Bautista, at Elizondo Streets, malapit sa Plaza Miranda at Quiapo Church. Nangako si Moreno na paiigtingin ang seguridad at kalinisan upang mas maraming turista ang maengganyong bumisita sa lugar.
			
		    

