
Ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay nagkumpirma na nawawala ang busto ni Dr. Jose Rizal mula sa pedestal nito sa Place Jose Rizal sa Paris, France. Ayon sa ulat, ang busto ay posibleng tinanggal noong gabi ng Oktubre 25 hanggang 26, 2025.
Iniulat ng Philippine Embassy sa Paris ang pagkawala sa mga lokal na awtoridad at patuloy na nakikipag-ugnayan para sa imbestigasyon. Ayon kay DFA spokesperson Angelica Escalona, patuloy silang nakikipagtrabaho sa mga opisyal ng France at sa Filipino community upang mahanap o mapalitan ang nawawalang monumento.
Paliwanag ni Escalona, naghintay muna ang embahada ng impormasyon mula sa City of Paris bago maglabas ng pahayag upang maiwasan ang maling impormasyon at respetuhin ang proseso ng imbestigasyon.
Nanindigan ang DFA na patuloy nitong pangangalagaan ang alaala at mga halaga na kumakatawan kay Rizal habang ginagawa ang lahat ng paraan upang maibalik o mapalitan ang busto.
Ang Rizal bust ay itinayo noong Hunyo 2024 bilang paggunita sa kabayanihan ni Dr. Jose Rizal. Ayon sa DFA, ito ang kaisa-isang pampublikong busto ng isang Pilipinong bayani sa buong Paris.




