
Ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ay nagbigay-babala sa publiko tungkol sa posibleng cyberattack na mangyayari sa Nobyembre 5. Ayon sa ahensya, maaaring magkaroon ng traffic flood o Distributed Denial of Service (DDoS) na makakaapekto sa bilis ng mga website at mobile app.
Ipinaliwanag ng DICT na ang ganitong uri ng atake ay hindi pagnanakaw ng data, account, o pera. Sa halip, ito ay nagdudulot ng pagbagal o pansamantalang pagka-down ng ilang online platforms.
Sinabi ni ICT Secretary Henry Rhoel Aguda na ang DDoS attack ay pandaigdigang isyu at naghahanda na ang Pilipinas kasama ang ibang bansa upang labanan ito. “Handa kami,” ayon kay Aguda.
Sa ilalim ng Oplan Cyberdome, nakikipag-ugnayan ang DICT sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center, National Telecommunications Commission, at mga law enforcement agencies para sa mabilis na aksyon at proteksyon ng mga online system.
Hinimok din ng DICT ang publiko na manatiling kalma. Kung hindi mag-load ang isang site o app, subukang muli mamaya, gamitin lamang ang opisyal na apps, at sundan ang verified updates mula sa mga awtoridad. Ipinapaalala rin ng DICT na umiwas sa ilegal na online activities sa araw ng Miyerkules.