
Ang malakas na ulan at matinding pagbaha sa gitnang bahagi ng Vietnam ngayong linggo ay nagdulot ng pagkasawi ng 35 katao, ayon sa ulat ng Vietnam Disaster and Dyke Management Authority nitong Linggo. May lima pang nawawala matapos ang tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan na umabot ng halos 1.7 metro sa loob lamang ng 24 oras.
Apektado ang mga lalawigan ng Hue, Da Nang, Lam Dong, at Quang Tri, habang ang sikat na Hoi An, isang UNESCO heritage site, ay lubog sa tubig hanggang bewang. Dahil sa taas ng baha, napilitan ang mga residente na gumamit ng bangka para makadaan. Marami ang hindi nakapaghanda kaya nasira ang mga gamit at bahay.
Mahigit 16,500 bahay ang kasalukuyang binaha, 40,000 hayop ang inanod, at 5,300 ektarya ng palayan ang lubog. Ayon sa Ministry of Environment, mahigit 100,000 bahay na ang binaha at 150 pagguho ng lupa ang naitala.
Sabi ng mga siyentipiko, ang pagbabago ng klima na dulot ng tao ay nagpapalala ng mga bagyo at pagbaha sa bansa. Ngayong taon, nakaranas na ang Vietnam ng 12 bagyo, higit sa karaniwang 10 kada taon.
Sa unang siyam na buwan ng 2025, umabot sa ₱35 bilyon ang kabuuang pinsala mula sa mga bagyo, baha, at landslide, habang 187 katao ang naiulat na patay o nawawala.




