
Ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay nagrekomenda ng kasong plunder at bribery laban kina Senador Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at ilang dating opisyal ng gobyerno dahil sa umano’y kickback mula sa mga flood control project sa Bulacan.
Ayon kay ICI chairman Andres Reyes Jr., personal niyang dinala sa Office of the Ombudsman ang ebidensya at ulat na nagpapakita kung paano umano nagkaroon ng katiwalian sa proyekto. Kabilang din sa iniimbestigahan sina dating kongresista Zaldy Co, Mitch Cajayon-Uy, dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo, at dating audit commissioner Mario Lipana.
Batay sa ulat, nagsimula umano ang sabwatan noong 2021, kung saan ilang mambabatas ang humihingi ng 10% hanggang 30% komisyon mula sa kontraktor kapalit ng pag-apruba sa proyekto. Ang kabuuang halaga ng mga flood project sa Bulacan ay umabot umano sa mahigit ₱6.86 bilyon.
Ayon sa ICI, mas pinipili raw ng ilang opisyal ang flood control projects dahil mas mataas ang porsyento ng kita. Ang mga bayad o “SOP” ay binibigay sa pamamagitan ng cash delivery sa mga bahay ng mga sangkot na opisyal.
Itinanggi naman nina Jinggoy Estrada at Joel Villanueva ang mga paratang. Ayon kay Estrada, walang katotohanan ang mga akusasyon, habang sinabi ni Villanueva na hihintayin muna niya ang opisyal na aksyon ng Ombudsman bago magbigay ng pahayag.




