
Ang unahan ng isang wing van truck ay yumupi matapos bumangga sa poste ng ilaw sa intersection ng Mindanao at Congressional Avenue sa Quezon City, Miyerkules ng madaling araw. Dahil sa lakas ng banggaan, napatid ang lock ng wing door at nalaglag ang halos 900 sako ng harina na karga ng truck.
Nagalusan sa ulo ang driver habang nasugatan sa paa ang isang pahinante. Pumanaw naman sa ospital ang isa pang pahinante matapos tumalon palabas ng truck bago ito sumalpok sa poste.
Ayon sa driver, galing sila sa Pampanga at papunta ng Taytay, Rizal nang mawalan ng preno ang truck habang lumiko sa Congressional Avenue. “Pagtapak ko ng preno, 'di na kumagat, bumilis. Pangalawang apak ko, wala na talaga... gusto ko iwasan 'yung kotse pero naabot talaga… tapos nabangga ko yung poste,” sabi niya.
Dalawang kotse ang nadamay sa insidente ngunit ligtas ang mga driver. Bahagyang bumigat ang trapiko pero bumalik sa normal matapos maitabi sa outer lane ang truck at ang mga sako ng harina.
Iniimbestigahan ng pulisya kung mechanical error ang sanhi ng aksidente o kung nakaidlip ang truck driver.




