
Ang pagiging parte nina Fyang Smith at JM Ibarra sa pelikulang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ay malaking milestone para sa kanila. Sa presscon noong October 27, ikinuwento ni Fyang na hindi nagbago ang closeness nila simula pa noong Pinoy Big Brother days. “Best friends talaga kami. Isa siyang maginoong lalaki,” ani Fyang.
Pagkatapos nilang lumabas sa Bahay ni Kuya, pinangatawanan daw nila ang pangako na hindi magbabago ang samahan nila. “Kung sino man ang magbago, sasakalin! (tawa) Pero hanggang ngayon, pareho pa rin kami at mas lumalim pa ang bond namin,” dagdag niya.
Ngayon, mas nakatutok sila sa trabaho at sa pag-aaral ng script. Para kay Fyang, natural na sa kanila ang tulungan at pag-unawa sa isa’t isa. “Wala talagang nagbago. Parang nasa loob na namin ‘yung closeness namin,” sabi niya.
Ibinahagi rin ni Fyang na malaki ang utang na loob niya kay JM. “Bukod sa mga blessings at projects, nagpapasalamat ako kasi nandiyan siya sa buhay ko. Siya ‘yung pinaka biggest plot twist ng buhay ko — ‘yung pinaka hindi ko in-expect,” emosyonal na pahayag ni Fyang.
Dagdag pa niya, “Sobrang saya ko na dumating siya sa buhay ko. Isa siya sa mga taong hindi ko akalain na magiging malaking inspirasyon at tulong sa akin.”


