
Dalawang pampublikong sementeryo sa Maynila — ang Manila North Cemetery at Manila South Cemetery — ay naglunsad ng online platforms kung saan puwedeng hanapin ng mga pamilya ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sa bagong “Memorial Search” ng Manila North Cemetery, makikita ang pangalan, petsa ng pagkamatay, section, lot, at grave number ng namatay. May mapa rin para madaling mahanap ang lokasyon. Samantala, may “Grave List” din ang Manila South Cemetery na nagpapakita ng buong pangalan at grave number ng yumao.
Sinabi ng pamunuan ng mga sementeryo na patuloy pa rin nilang ina-update ang database dahil libo-libong pangalan ang kailangang ilagay.
Inutusan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga tauhan ng lungsod na manatiling handa at visible sa paligid ng sementeryo para sa crowd control, kalinisan, at seguridad. Makikipag-ugnayan din ang Manila Police District, Department of Public Services, at Traffic Bureau para siguraduhin ang maayos na daloy ng trapiko.
Nagpaalala ang pulisya na huwag mag-post ng real-time sa social media habang wala sa bahay para makaiwas sa magnanakaw. Magpo-post na lang pagkatapos ng biyahe.
Mahigit ₱8,575 na pulis at 2,600 barangay tanod ang ide-deploy sa Metro Manila para sa seguridad mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Samantala, handa na rin ang Metro Pacific Tollways Corp. sa kanilang “Biyaheng Arangkada” program. May libreng towing para sa Class 1 vehicles mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3, at suspendido muna ang mga roadworks maliban kung emergency.
May libreng tubig mula Maynilad at libreng WiFi at charging stations mula Smart Communications para sa mga biyahero. Pinapaalalahanan ang mga motorista na siguraduhing maayos ang sasakyan at may sapat na load ang RFID bago bumiyahe.




