
Ang isang babae sa Tarlac City ay nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI-CRID) matapos umanong magpanggap bilang abogado at mameke ng mga dokumento para makapanloko.
Ginamit ng suspek ang mga alyas na “Shiela Castillo” at “Angel Roxas y Sotero.” Ayon sa imbestigasyon, humingi siya ng humigit-kumulang ₱5 milyon mula sa biktima kapalit ng paborableng resulta sa kaso ng isang lupa.
Nagpakita ang suspek ng mga pekeng resibo at dokumento na diumano’y pirmado ng hukom at clerk ng Regional Trial Court sa Tarlac at Camiling upang paniwalain ang biktima.
Sa beripikasyon ng NBI, lumabas na wala sa listahan ng mga opisyal na abogado sa Supreme Court Office of the Bar Confidant at Integrated Bar of the Philippines ang pangalan ng suspek.
Matapos makumpirma ang kanyang ilegal na gawain, ikinasa ang entrapment operation sa isang fast-food chain kung saan nahuli ang babae. Nahaharap siya ngayon sa Syndicated Estafa at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 pati na rin sa Article 177 at 178 ng Revised Penal Code dahil sa paggamit ng pekeng pangalan.




