
Ang isang 63-anyos na siklista ay nasugatan matapos mabangga sa isang sedan sa Brgy. Guitnang Bayan 1, San Mateo, Rizal bandang 8:30 ng umaga nitong Sabado, Oktubre 25.
Sa video na kuha ng isang vlogger, makikita ang mabilis na takbo ng lalaki sa pababa at palikong bahagi ng Kambal Road Extension. Dahil sa sobrang bilis, lumampas siya sa kabilang lane at tumama sa gilid ng kotse.
Ayon kay Police Lieutenant Jaime Arquillo, bukol sa ulo at gasgas sa katawan lang ang tinamo ng biktima. “Buti na lang at naka-helmet siya kaya hindi naging malala ang sugat niya,” sabi ng opisyal.
Matapos magamot sa ospital, pinauwi rin agad ang siklistang taga-Quezon City. Dagdag pa ng pulis, madalas na dinadaanan ng mga siklista ang Kambal Road kahit accident-prone ito. Kaya paalala niya, siguraduhing maayos ang bisikleta at alamin ang ruta bago bumiyahe.
Hindi na magsasampa ng reklamo ang driver ng kotse, dahil aayusin ng siklista ang pinsala sa pinto at side mirror na tinatayang aabot sa ₱10,000 ang halaga ng pagawa.




