
Ang Nissan Philippines ay humihiling sa mga motorista na huwag munang maghintay ng bagong modelo at bilhin pa rin ang kasalukuyang Nissan Navara. Ayon sa kanilang pahayag, wala pang kasiguruhan kung kailan ilalabas sa bansa ang all-new Navara na inilunsad na sa Australia at New Zealand.
Sinabi ng kumpanya na bawat merkado ay may kanya-kanyang pangangailangan at kundisyon. Kaya’t pinag-aaralan pa nila kung kailan tamang ilabas ang bagong pickup truck sa Pilipinas. Dagdag nila, patuloy nilang sinusuri ang market trends para masiguro na ang mga produkto nila ay swak sa panlasa ng mga Pinoy.
Marami ang naniniwala na hinihikayat ni Nissan Philippines ang mga mamimili na huwag hintayin ang bagong modelo dahil malaking bahagi ng kanilang benta ay galing sa Navara. Wala pa rin umanong inilalabas na discount o promo bilang bahagi ng runout program para sa kasalukuyang bersyon.
May tsismis din na ang bagong Mitsubishi Triton-based Navara ay unang ilalabas sa mga bansa na may mas mahigpit na emission regulations, tulad ng Australia at Oceania. Samantala, ang kasalukuyang Navara D23 ay mananatili pa ng ilang taon sa mga bansang tulad ng Pilipinas. Maaaring magkaroon ito ng minor refresh o bagong variant na Pro PHEV na galing China.
Sa ngayon, parang lumalabas na nakikiusap na ang Nissan Philippines sa mga mamimili na bilhin na ang kanilang pickup truck. Sa presyong nagsisimula sa humigit-kumulang ₱1.1 milyon, mukhang gusto talaga nilang mapanatiling buhay ang benta ng Navara sa bansa.




