
Ang NBI-Cavite North District Office ay nakahuli ng pitong katao — apat na dayuhan at tatlong Pilipino — sa isang raid sa Bacoor City, Cavite. Ang operasyon ay isinagawa pasado alas-11 ng gabi noong Oktubre 15, 2025 sa Barangay Panapaan. May dalang warrant to search and seize computer data ang mga otoridad.
Kinilala ang lider ng grupo bilang isang Chinese national na si “Daye.” Kasama niyang naaresto ang dalawang Malaysian, isang Indonesian, at tatlong Pilipinong kasabwat. Ayon kay NBI-CAVIDO North Chief Atty. Cesar Eric Nuqui, nakuha nila ang mga ebidensiya gamit ang tulong ng mga computer expert na nagpapatunay ng computer-related fraud.
Sangkot umano ang mga suspek sa online romance scam at cryptocurrency investment fraud. May ilan na nagpo-post bilang babae upang makuha ang tiwala ng mga biktima bago hingin ang pera. Pagkatapos makuha ang pera, agad nilang bina-block ang mga tao.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, pangalawang beses na itong nangyari sa lugar. Nasamsam ng NBI ang limang computer, mahigit 100 cellphone, at ilang storage device na may laman na mga datos tungkol sa scam.
Mahaharap ang mga suspek sa kaso sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (R.A. 10175) at Anti-Financial Account Scamming Act (R.A. 12010). Kasalukuyan silang nakakulong sa NBI Detention Facility sa Muntinlupa City habang patuloy ang imbestigasyon.




