
Ang operasyon ng NBI sa Pililia, Rizal ay humantong sa pagkaka-aresto ng tatlong tao matapos tanggapin ang ₱300,000 bilang bayad sa lupang binebenta nila. Nagpakilala silang mga may-ari ng lupa na may sukat na 250 hectares.
Ayon sa imbestigasyon, ibinenta umano nila ang prime lot sa murang halaga kahit wala silang permit to sell. Ginamit pa raw nila ang isang pekeng Spanish title para makapanloko ng mga buyer.
Isang OFW mula Taiwan, si Rolly, ang isa sa mga nabiktima. Ipinagpatayo niya ng bahay ang nabiling lupa, ngunit ipinademolish ito ng tunay na may-ari. “Nakakapanlumo, ilang taon kong pinag-ipunan tapos mawawala lang,” ayon kay Rolly.
Paliwanag ni NBI Cavido North Chief Cesar Eric Nuqui, naengganyo ang mga buyer dahil ₱400,000 lang ang bentahan ng lupa na dapat ay nagkakahalaga ng milyon. Marami na rin daw ang nabiktima ng grupo.
Kinasuhan ng estafa ang tatlong suspek at narekober mula sa kanila ang mga pekeng land titles ng lupa sa Rizal.




