
Ang NBI-CAVIDO North ay nakahuli ng pitong tao — apat na dayuhan at tatlong Pilipino — sa isang operasyon laban sa online scam hub sa Bacoor City, Cavite. Isinagawa ang raid noong Oktubre 15, 2025, sa isang dalawang palapag na bahay sa Barangay Panapaan.
Ayon kay Atty. Cesar Eric Nuqui, hepe ng NBI-CAVIDO North, kasama nila sa operasyon ang mga computer experts na nakakuha ng mahahalagang ebidensiya ng computer-related fraud. Ang mga nahuli ay sangkot umano sa online romance scams at cryptocurrency investment fraud.
Kinilala ang umano’y mastermind na isang Chinese national na si “Daye.” Kasama niyang nahuli ang dalawang Malaysian, isang Indonesian, at tatlong Pilipinong kasabwat. Ang ilan ay naghahanap ng biktima online habang ang iba ay nagpapanggap na babae upang makuha ang tiwala ng target. Kapag nakatanggap na sila ng pera, agad nilang binoblock ang biktima.
Nakakuha ang mga awtoridad ng limang computer, halos 100 cellphone, at ilang storage devices na may datos tungkol sa mga transaksyon. Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (R.A. 10175) at Anti-Financial Account Scamming Act (R.A. 12010).
Sa ngayon, nakakulong ang mga nahuli sa NBI Detention Facility sa Muntinlupa City habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.




