
Ang NBA star na si Kevin Durant ay pumirma ng bagong kontrata sa Houston Rockets na nagkakahalaga ng dalawang taon, ₱5.3 bilyon (katumbas ng $90 milyon). Dahil dito, siya na ngayon ang may pinakamataas na career earnings sa kasaysayan ng NBA.
Umabot na sa halos ₱35.3 bilyon (katumbas ng $598.2 milyon) ang total career earnings ni Durant, kabilang ang dati at future salaries. Sa record na ito, nalampasan niya si LeBron James na mayroong ₱34.5 bilyon ($583.9 milyon).
Pinili ni Durant na mag-take ng mas mababang sahod kaysa sa maximum na kaya niyang makuha. Sa halip na ₱7 bilyon ($120 milyon), pumayag siya sa ₱5.3 bilyon ($90 milyon). Iniwan niya ang halos ₱1.8 bilyon ($30 milyon) para bigyan ng salary cap flexibility ang Rockets.
Ang hakbang na ito ay nagpapakita ng kanyang dedikasyon sa koponan. Sa edad na 37, mas pinili ni Durant ang tiyansa na magtulungan ang Rockets para mas mapalakas ang kanilang line-up. Plano niya na tapusin ang kanyang career kasama ang Houston, at magdagdag pa ng titulo sa kanyang makulay na basketball legacy.