
Ang isang construction worker ay namatay habang tatlong iba pa ang sugatan matapos mabagsakan ng mga bakal sa isang gusali na ginagawa sa Bonifacio Global City, Taguig nitong Lunes ng umaga. Nangyari ang insidente pasado alas-10 habang naglalagay ng bakal ang mga biktima sa basement 2 ng gusali.
Gumagawa ng 22-palapag na gusali na may anim na basement sa 34th Street na nakalaan para sa isang malaking clothing company. Ayon sa pulisya, bumagsak ang slab ng elevator at natabunan ang mga manggagawa. Agad na dinala sa St. Luke’s Medical Center ang apat na biktima. Isa ang binawian ng buhay habang tatlo ay nasa ligtas na kondisyon.
Pansamantalang ipinatigil ang operasyon sa site habang iniimbestigahan ang dahilan ng aksidente. Siniyasat din ng lokal na pamahalaan kung may pagkukulang sa safety officers at kung nasunod ang tamang patakaran sa kaligtasan.
Nagpahayag ang Monolith Construction and Development Corporation na sasagutin nila ang lahat ng gastusin sa ospital at libing ng kanilang mga tauhan. Tiniyak din ng kumpanya na may safety measures silang sinusunod at patuloy nilang iniimbestigahan kung paano naganap ang pagbagsak ng bakal.