Ang mga sindikato mula China umano ay nakikipagsabwatan sa ilang negosyanteng Pinoy at opisyal ng gobyerno para mailusot ang agri products na smuggled. Ayon kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan, may sapat na ebidensya na nagpapakita ng koneksyon ng Bureau of Customs, NBI, PNP, DA, at maging ilang opisyal sa DOJ at BI sa operasyon.
Ibinulgar ng senador ang P68 milyon (humigit-kumulang ₱3.9 bilyon) na shipment ng frozen mackerel mula China na idineklara bilang chicken poppers. Dagdag pa niya, ang mga nahuhuling frozen fish ay posibleng galing mismo sa West Philippine Sea—ninakaw sa mga mangingisdang Pilipino at ibinenta pabalik sa atin.
Binanggit din ni Pangilinan na katulad ito ng operasyon ng POGO, kung saan may sabwatan sa pagitan ng mga dayuhan at mga lokal na kasabwat. Ang agricultural smuggling aniya ay isang uri ng economic sabotage na may kaparusahang habambuhay na pagkakulong at multa na tatlong beses ng halaga ng mga produkto.
Binalaan din ng senador ang panganib ng smuggled goods dahil hindi ito dumaraan sa wastong pagsusuri kung ligtas bang kainin. Para kay Pangilinan, bawat maling deklarasyon ng shipment ay hindi lang panloloko sa magsasaka at mamimili, kundi malinaw na pagkutya sa batas at paglala ng korapsyon sa gobyerno.
Nagpahayag siya ng pangako na ipagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado upang habulin ang lahat ng sangkot sa sindikato ng smuggling.