Ang kasiyahan sa videoke ay nauwi sa trahedya matapos barilin ang isang lalaki dahil umano sa agawan ng kanta sa San Mateo, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Roberto Miguel, 48 anyos, isang construction worker at residente ng Barangay San Marcos. Ayon sa imbestigasyon, nag-iinuman ang biktima, ang suspek, at ilang iba pa sa terrace ng isang bahay nang mangyari ang insidente.
Habang kumakanta, ipinasa raw ng biktima ang mikropono sa isa nilang kasama. Dito nagalit ang suspek na inakalang inagaw ang kanyang kanta. Sa galit, binaril nito ng dalawang beses sa likod at dibdib si Miguel.
Nadala pa sa ospital ang biktima pero idineliklara itong patay pagdating. Tumakas naman ang suspek matapos ang pamamaril. Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng hot pursuit operation upang mahuli ang salarin.
Base sa ulat, hindi magkakilala ang biktima at ang suspek. Nakisali lamang umano ito sa inuman at nakikanta sa videoke bago naganap ang pamamaril. Ang kaso ay isasampa bilang homicide sa ilalim ng preliminary investigation.