
Ang Messenger app sa Windows at Mac ay tuluyang isasara bago matapos ang taon. Ayon sa Meta, matatapos ang serbisyo sa Disyembre 15, 2025. Pagkatapos nito, hindi na makakalog-in ang mga user sa PC app at awtomatikong ire-redirect sa Facebook desktop app o website para magbasa at magpadala ng mensahe.
Bago tuluyang mawala ang access, makakakita ang mga user ng in-app notification o abiso 60 araw bago ma-block ang kanilang account sa PC version ng Messenger.
Ano ang dapat gawin? Inirerekomenda ng Meta na i-on ang secure storage at mag-set ng PIN mula sa desktop app bago lumipat sa web version ng Messenger. Para gawin ito, pindutin ang gear icon, pumunta sa Privacy & safety, piliin ang End-to-end encrypted chats, at i-activate ang Message storage.
Para sa mga gumagamit ng Messenger-only accounts, ire-redirect sila sa website ng serbisyo kung saan maaari pa ring magpatuloy mag-chat kahit walang Facebook account.
Noong 2014, inalis ng Meta ang chat feature mula sa mismong Facebook app at ginawa itong hiwalay na Messenger app para sa lahat ng users.