
Ang Korte Suprema ay nagdesisyon laban sa apela ni Cassandra Li Ong, isa sa mga incorporator ng Whirldwind Corp., kaugnay sa imbestigasyon sa ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). Ayon sa 17-pahinang ruling, may kapangyarihan ang Kongreso na magsagawa ng inquiry at ipatawag ang mga tao para magbigay ng testimonya.
Ipinaliwanag ng korte na hindi pwedeng tumanggi si Ong na humarap sa pagdinig. Maaari lamang niyang iwasan ang pagsagot sa mga partikular na tanong na posibleng magdulot ng self-incrimination. Ang karapatan sa abogado ay naaangkop lang sa mga custodial investigation para sa mga kriminal na suspek, kaya hindi niya ito pwedeng gamiting dahilan sa congressional hearings.
Iginiit pa ng korte na may kapangyarihan ang Kongreso na mag-contempt o magpa-aresto para mapilit ang sinumang tumestigo o magsumite ng dokumento. Gayunpaman, dapat ay nakaayon ito sa rules at malinaw na “in aid of legislation.”
Si Ong ay humiling sa Korte Suprema na ipatigil ang pagdinig ng Senado at Kamara, pero hindi ito pinagbigyan. Noong Disyembre 2024, siya ay pinalaya mula sa kustodiya ng Kamara, ngunit patuloy pa rin siyang may kinakaharap na kaso.
Noong Mayo 15, 2025, naglabas ng arrest warrant ang Angeles City RTC Branch 118 laban kay Ong, dating abogado na si Harry Roque, at 48 iba pa. Ang kaso ay kaugnay sa human trafficking sa Lucky South 99 POGO hub sa Pampanga, kung saan sangkot umano ang mga opisyal, empleyado at investors ng kompanya.