
Ang isang mamahaling luxury car na pagmamay-ari ng isang Korean national ay na-impound ng LTO enforcement team sa Bonifacio Global City matapos mahuling walang nakakabit na plaka. Ayon sa LTO, nakarehistro na ang sasakyan noong 2024 at may plaka na pero hindi pa rin ito naikabit.
Pinagtibay pa ng LTO na ang importer ng nasabing sasakyan ay pareho ng kumpanyang nagpasok ng ilang mamahaling kotse na dati nang na-flag dahil sa isyu ng smuggling. Sa kabila ng kumpletong papeles, iniimbestigahan ngayon kung may mas malaking problema sa proseso ng pag-angkat.
Ayon kay Assistant Secretary Markus Lacanilao, maliit na violation lang ang hindi pagkakabit ng plaka ngunit posibleng mas malalim ang usapin. Nakikipag-ugnayan na ang LTO sa Customs para beripikahin kung maayos ang tax documents at import papers ng sasakyan na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso.
Hinimok ng LTO ang mga may-ari ng sasakyan na dumaan sa pribadong importer na tiyakin ang kumpletong papeles at siguraduhin na nakakabit ang plaka. Aniya, dapat makipag-ugnayan agad sa mga ahensya ng gobyerno kung may duda sa legalidad ng kanilang nabili.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Korean national nang tanungin ng media sa opisina ng LTO sa Quezon City.