
Ang Pilipinas ay magbubukas ng electronic visa (eVisa) para sa mga Chinese travelers simula Nobyembre. Layunin nitong mas mapadali ang pagbisita sa bansa at hikayatin ang mas maraming turista mula sa isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng bisita ng Pilipinas.
Ayon kay Ambassador Jaime FlorCruz, sakop nito ang mga galing Mainland China at Special Administrative Regions na bibisita ng hanggang 14 araw para sa business o tourism. Ang aplikasyon ay gagawin online at tatanggapin sa NAIA sa Maynila at Mactan-Cebu International Airport.
Ipapatupad ito ng Embassy sa Beijing kasama ang mga konsulado sa Chongqing, Guangzhou, Hong Kong, Macau, Shanghai at Xiamen. Ang mga detalyadong proseso at website link ay ilalabas sa mga darating na araw.
Para naman sa mga magtatagal ng higit sa 14 araw, o iba pang banyagang residente sa China, maaari pa ring mag-apply ng tradisyonal na visa sa mga bagong Visa Application Centers sa Beijing, Chongqing, Fuzhou, Guangzhou, Hong Kong at Shanghai.
Itinuring ni FlorCruz na mahalaga ang timing ng eVisa dahil tumutugma ito sa 50th anniversary ng diplomatic relations ng Pilipinas at China, at malaking tulong para sa mas aktibong people-to-people exchange.