
Ang gastos sa healthcare ng mga employer sa Pilipinas ay nakikitang tataas ng 14% sa 2026, bahagyang mababa kumpara sa 15% ngayong 2025. Ayon sa ulat, ito ay dahil sa pagbagal ng medical inflation matapos ang dalawang taon ng matinding pagtaas sa Asya.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa gaya ng China, India, Singapore at Vietnam na may mas mabagal na paglago ng gastos sa medical plans sa susunod na taon. Sa Asia-Pacific, inaasahang aabot sa 11.3% ang average na pagtaas, mas mataas kumpara sa global average na 9.8%.
Sa datos, ang general inflation ng Pilipinas ay nasa 3.0% ngayong 2025 at 2.9% sa 2026, samantalang ang medical trend ay bababa mula 15% (₱15,000 kada ₱100,000) patungong 14% (₱14,000 kada ₱100,000). Ang net trend rate ay bababa rin mula 12% tungo sa 11.1%, dahil sa mga wellness program at cost-sharing gaya ng co-pay.
Pinakamalaking dahilan ng medical claims sa bansa ang hypertension o high blood pressure, na nagiging ugat ng mga sakit sa puso at cardiovascular problems. Ito rin ang nangungunang dahilan ng gastos sa healthcare sa iba pang bansa sa Asya.
Ayon sa eksperto, kailangan ng mga employer na lumipat mula sa reactive cost control patungo sa proactive health strategy. Ang pamumuhunan sa preventive healthcare at wellness programs ang nakikitang susi para mapangalagaan ang kalusugan ng mga manggagawa at mapabagal ang pagtaas ng gastos sa healthcare.