Ang mga mahihirap na pamilya sa Pilipinas ay makakakuha na ng libreng funeral services matapos maging batas ang Republic Act No. 12309 o Free Funeral Services Act. Naging epektibo ito noong Setyembre 28 matapos hindi pirmahan o i-veto ng Pangulo ang panukala.
Sasagutin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang gastos gamit ang pondo mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS). Kasama dito ang mga pamilyang walang kakayahang tustusan ang pangunahing pangangailangan, at pati na rin ang mga naapektuhan ng calamities o disasters.
Para makakuha ng benepisyo, kailangan magpasa ng valid ID ng benepisyaryo, death certificate mula sa ospital o health office, at funeral contract. Ang bayad sa funeral establishment ay ibibigay ng DSWD regional office matapos ang pag-apruba ng regional director.
Tututukan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo ng casket at urns upang maiwasan ang sobra-sobrang singil. Ang mga funeral homes na lalabag ay maaaring pagmultahin ng hanggang ₱200,000 at masuspinde ng anim na buwan. Sa paulit-ulit na paglabag, posibleng umabot sa ₱400,000 ang multa at mabawi ang lisensya.
Samantala, ang mga taong mapapatunayang gumamit ng pekeng dokumento o nag-collude para makakuha ng libreng serbisyo ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan at pagmultahin ng hanggang ₱500,000.