
Ang labing-isa na biktima mula Barangay Binabag, Bogo City, Cebu na namatay sa magnitude 6.9 lindol ay inilibing ngayong Miyerkules, Oktubre 8, 2025. Ayon sa ulat ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction Office, nasawi sila dahil sa pagguho ng bato.
Lahat ng namatay ay magkakamag-anak mula sa tatlong pamilya. Inihatid sila ng mga kaibigan, kapitbahay, at kamag-anak patungo sa Corazon Cemetery. Sa buong misa, walang tigil ang iyakan at pagluha ng mga naiwan.
Kabilang sa mga namatay ay mga bata na edad 2, 5 at 8 taon, pati ang mag-asawa na 36 at 37 taong gulang na naipit sa gumuhong bato. Ayon kay Rev. Fr. Ralph Argoncilla ng Holy Family of Nazareth Parish, mahirap ipaliwanag ang sakit na kanilang nararanasan, ngunit nanawagan siya ng dasal at lakas ng loob para sa mga pamilyang iniwan.
Sampu sa mga biktima ay inilibing sa mass grave, habang ang 17-anyos na si Lady Jean Ytang ay inilibing sa loob ng nitso. Siya ay itinuring na bayani matapos unahin ang kanyang mga kapatid na makatakbo palabas bago siya mismo nadaganan ng mga bato.
Maraming indibidwal ang nangako ng tulong pinansyal at suporta para sa mga pamilyang apektado.