
Ang isang tricycle driver ay napatay matapos pagsasaksakin ng isang lalaki sa Barangay Tagapo, Sta. Rosa City, Laguna nitong Martes ng hapon.
Ayon sa Sta. Rosa PNP, 47 taong gulang ang biktima na naghihintay lang ng pasahero sa gilid ng proyekto ng PNR. Napansin niyang may magnanakaw ng wire, kaya sinita niya ito. Nagalit ang suspek at agad na sumaksak gamit ang patalim.
Agad rumesponde ang SWAT team at nahuli ang 41-anyos na suspek. Nakumpiska ang patalim at damit na puno ng dugo. Naitakbo pa sa ospital ang biktima pero idineklara itong patay pagdating.
Lumabas sa imbestigasyon na dati nang sangkot ang suspek sa pagnanakaw ng kable at mayroon na ring kaso ng attempted homicide. Ngayon, nakapiit na siya sa Sta. Rosa City Police Station at nahaharap sa kasong homicide.