Ang mahigit 100 sinkhole ang posibleng lumitaw sa hilagang bahagi ng Cebu matapos ang malakas na lindol na yumanig noong Oktubre 3, 2025. Sa Barangay Maño, San Remigio, nasa 15 sinkhole agad ang nakita matapos ang 6.9 magnitude na lindol.
Ayon kay Science Secretary Renato Solidum Jr., normal lang ito dahil karamihan ng lupa sa Cebu ay gawa sa limestone. Madaling mabutas ang limestone kapag nadadaanan ng tubig at lalo itong bumibigay kapag may lindol. Kapag manipis ang takip ng lupa, madaling mabuo ang sinkhole.
Naglabas ng subsidence threat advisory ang Mines and Geosciences Bureau para sa mga bayan ng Bogo, Daanbantayan, Medellin, San Remigio at Tabogon dahil sa kumpirmadong sinkhole at mga paglubog ng lupa. Sa San Remigio na nakaranas ng Intensity 7, tinatayang lagpas 100 sinkhole ang nadiskubre.
Payo ni Solidum, dapat gumamit ng ground-penetrating radar para malaman kung may sinkhole sa ilalim ng mga bahay. Agad ding ayusin ang mga nasirang kalsada para hindi mahirapan ang rescue at ayuda.
Dagdag pa niya, kailangan palakasin ang mga kalsada gamit ang bakal at ikonekta ito sa drainage system. Kapag walang maayos na daluyan ng tubig, mas madaling gumuho ang lupa at mabuo ang sinkhole.