
Ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons ay nakakuha ng kanilang ikalawang sunod na panalo sa UAAP Season 88 matapos talunin ang National University (NU) Bulldogs, 66-59, sa laban na ginanap sa UST Quadricentennial Pavilion nitong Sabado.
Umangat ang UP matapos ang malakas na run na 22-2 mula third hanggang fourth quarter na tinapos ng isang jumper ni Harold Alarcon. Sa run na ito tuluyang nahirapan ang NU at hindi na nakabawi.
Pinangunahan ni Francis Nnoruka ang Maroons na nagtala ng 14 points, 6 rebounds at 1 steal. May ambag din si Gani Stevens na may 10 points at 5 rebounds, habang sina Alarcon at Miguel Yniguez ay nagdagdag ng tig-8 puntos.
Para sa NU, Nash Enriquez ang nanguna na may 16 points at 4 assists, habang si Gelo Santiago ay umabot din sa double digits na may 10 points.
Ang panalo ay nagbigay sa UP ng 2-2 record, kasunod ng kanilang tagumpay kontra University of the East. Samantala, natapos naman ang mainit na simula ng NU ngayong season.