
Ang libo-libong estudyante ng Bulacan State University (BulSU) ay muling nagtipon noong Setyembre 30, 2025 sa Heroes’ Park upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa flood control anomalies at korapsyon.
Pinangunahan ito ng BulSU Student Government at Office of the Student Regent sa ilalim ng temang “Kick Back Kontra Korap.” Mula sa Heroes’ Park, nagmartsa ang mga estudyante patungo sa Malolos City Hall.
Ayon kay BulSU Student Government President at Student Regent Roshan Reyes, nais lamang ng mga iskolar ng bayan na marinig ang kanilang panawagan para sa isang gobyernong tapat, malinaw, at walang bahid ng korapsyon.
Dagdag pa ni Reyes, hindi sapat na mailabas lamang ang imbestigasyon sa publiko. Kailangan umano ng pananagutan sa mga taong sangkot sa anomalya. “Hindi puwedeng puro salaysay lang, dapat may managot,” aniya.
Binigyang-diin din niya na ang korapsyon ay hindi lang pagnanakaw sa mamamayan kundi pati sa kinabukasan ng mga kabataan na siyang susunod na pag-asa ng bayan.
			
		    



