
Ang GCash ay magbabago ng sistema simula Oktubre 1 kung saan lahat ng direct cash-in ay dadaan na sa InstaPay. Ito ay alinsunod sa utos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang gawing mas mabilis, ligtas, at malinaw ang fund transfer sa mga online bank at e-wallet.
Sinabi ng GCash na wala silang sisingilin na direct cash-in fee gamit ang bagong sistema. Ngunit maaaring magbago ng service fee ang ilang partner banks depende sa kanilang sariling patakaran. Pinapayuhan ang mga user na tingnan ang anunsyo ng kanilang bangko tungkol sa schedule at updated fees.
Sa ngayon, puwede pa ring mag-cash-in ang mga user sa over-the-counter outlets, mga cash-in machine, at sa ilang local banks. Para sa mga gumagamit ng bank transfer, kailangan pa ring dumaan sa kani-kanilang banking app upang maglipat ng pera papunta sa GCash account.
Ayon sa GCash, simula Setyembre 30, ang cash-in fee gamit ang ilang bangko ay magiging ₱15. Samantala, mananatiling libre ang ibang paraan ng cash-in maliban na lang kung may dagdag na singil mula sa bangko.
Ang InstaPay ay isang electronic fund transfer service na nagbibigay-daan para sa instant money transfer sa pagitan ng mga account na nasa ilalim ng BSP.