
Ang mga abogado ng mga biktima ay mariing tumutol sa panibagong hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa pansamantalang paglaya.
Sa kanilang isinumiteng tugon, sinabi nila na ang patuloy na pagkakakulong ni Duterte ay kailangan pa rin dahil wala namang bagong dahilan na naipakita ng depensa para bigyang-laya siya.
Ayon kay Principal Counsel Paolina Massidda, ito na ang ikatlong beses na sinubukan ng depensa na hilingin ang pansamantalang paglaya ngunit nananatiling mahina at paulit-ulit ang kanilang argumento. Giit nila, ang binanggit ng depensa na logistical delay o pagkaantala sa proseso ay hindi sapat na dahilan para alisin ang kulungan.
Binanggit din ng panig ng mga biktima na ang pagbibigay ng laya kay Duterte ay maaaring makasira sa imahe ng korte at magpadala ng maling mensahe na maaaring maimpluwensiyahan ang desisyon.
Sa huli, iginiit ng mga abogado na may matibay na batayan ang patuloy na pagkakakulong ni Duterte, at dahil wala pang nagbabago sa mga rason, nananatiling walang basehan ang kanyang paglaya.