Ang isang fastfood restaurant sa Guiguinto, Bulacan ay nilooban madaling araw nitong Martes. Tinangay ng mga kawatan ang isang filing cabinet na naglalaman ng halos ₱178,000 cash, tseke, at gadgets.
Ayon sa pulisya, pumasok ang mga suspek sa fire exit habang naka-hoodie, takip ang mukha, at sumakay sa getaway vehicle papuntang Plaridel. Nakita sa CCTV na tumulong pa ang dalawang kasabwat para buhatin ang cabinet.
Nadiskubre ito ng manager bandang 4:45 a.m. matapos mapansin na bukas ang fire exit. Ayon sa imbestigasyon, pinwersa ang lock gamit ang bareta. Wala ring nakatalagang security guard kaya nirerekomenda ng PNP na mag-hire ng bantay lalo na tuwing gabi.
Sa backtracking, lumabas na pekeng kambal plaka ang gamit ng sasakyan ng mga suspek. Natukoy rin ang isang dating empleyado bilang person of interest matapos makilala sa kuha ng CCTV.
Patuloy ang manhunt at follow-up operations. Nakatakdang isampa ang robbery case laban sa mga suspek.