
Ang bangkay ng isang babae ay natagpuan sa loob ng isang puting SUV sa Barangay Sta. Anastacia, Sto. Tomas City, Batangas, pasado alas-dos ng madaling araw nitong Huwebes, Setyembre 25.
Isang security guard ang unang nakapansin sa nakaparadang SUV sa gilid ng Spine Road. Nang kanyang silipin, nakita niya sa driver’s side ang isang babae na wala nang buhay at may tama ng bala sa katawan. Puno rin ng tama ng bala ang mismong sasakyan.
Batay sa ulat ng pulisya, ang biktima ay 30 taong gulang at residente ng Barangay San Rafael, Sto. Tomas. Nakilala siya base sa ID na nakita sa loob ng sasakyan.
Agad siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang patay pagdating. Tinatayang aabot sa ₱30,000 ang pinsalang dulot sa sasakyan dahil sa mga tama ng bala.
Patuloy ang imbestigasyon at follow-up operation ng mga awtoridad para matukoy ang mga salarin at ang motibo sa pamamaril.