Ang isang ina sa Quezon City ay naaresto matapos umano’y ibenta ang kanyang limang menor de edad na anak sa mga banyaga kapalit ng pera. Nasagip ng mga awtoridad ang mga bata sa isang operasyon noong Setyembre 18.
Ayon sa imbestigasyon, tumatanggap ang suspek ng bayad mula sa isang banyagang lalaki kapalit ng live online na pang-aabuso sa kanyang 12-taong gulang na anak. Lumabas sa surveillance na iniaalok ng ina ang kanyang mga anak para sa online sexual exploitation.
Isinagawa ang rescue operation sa tulong ng mga pulis, social welfare office at Inter-Agency Council Against Trafficking. Nahuli ang suspek matapos niyang diretsong ialok ang mga bata sa isang nagpanggap na kliyente.
Narekober din ng mga awtoridad ang mga ebidensya ng online child sexual exploitation mula sa bahay ng suspek. Ang ina ay haharap sa kasong qualified trafficking in persons sa ilalim ng RA 9208 na inamyendahan ng RA 10364.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng social welfare office ang mga bata habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Ang suspek ay posibleng humarap sa habambuhay na pagkakakulong at multa mula ₱2 milyon hanggang ₱5 milyon.