Ang tensyon ay sumiklab noong Setyembre 21 nang magsagupa ang mga kabataang nagpoprotesta at pulisya malapit sa Malacañang. Aabot sa 244 katao, kabilang ang 103 menor de edad, ang inaresto dahil sa marahas na kilos-protesta laban sa korapsyon.
Ayon sa NCRPO, may isang hip-hop rapper na itinuturong posibleng nagsulsol sa mga kabataan. Nawasak ang ilang poste, sinira ang mga traffic lights, at sinunog ang mga gulong at container. Mayroon ding paghahagis ng bato, bote at Molotov cocktail laban sa mga pulis. Isang tao ang nasaksak at namatay, habang isa pa ang binaril at kasalukuyang nasa ospital.
Posibleng kaharapin ng mga inaresto ang kaso ng sedisyon, arson, illegal assembly, direct assault, at illegal possession of explosives. Ang mga menor de edad ay isasailalim sa pagsusuri ng DSWD upang malaman kung maaari silang kasuhan bilang nasa conflict with the law.
Ibinunyag din ng mga opisyal na may banta ng pambobomba mula sa isang lokal na grupo, kaya’t naglagay ng mahigit 400 pulis na naka-sibilyan bilang pag-iingat. May binabantayang online na grupo gaya ng Anonymous PH at Black Mask March na umano’y nagpalala ng gulo.
Ayon sa ilang lider, may mga posibleng nagbayad o nang-udyok sa mga kabataan upang magwala. Tiniyak ng pamahalaan na pananagutin ang lahat ng sangkot, lalo na ang paggamit ng mga kabataan bilang kasangkapan sa marahas na kilos-protesta. Samantala, ilang progresibong grupo ang nagsabing ang galit ng mga tao ay bunga ng matinding pagbaha, maling paggastos ng pondo, at hayagang luho ng mga may kapangyarihan.