
Ang unang MICHELIN Guide ng Pilipinas ay opisyal na ilulunsad sa Oktubre 30, tampok ang mga piling restaurant sa Manila, Cebu, at karatig probinsya. Layunin nitong ipakita ang yaman ng Filipino culinary identity, tradisyon, at talento.
Bawat napiling kainan ay sinuri ng mga anonymous inspectors gamit ang limang pamantayang pandaigdig: kalidad ng sangkap, husay sa pagluluto, timpla ng lasa, personalidad ng chef, at consistency ng pagkain.
Sa isang gabi ng selebrasyon, ilalabas din ang Bib Gourmand Selection at mga Special Awards para sa mga indibidwal na nagpakita ng galing sa industriya. May premium cocktail reception din na ihahanda ng mga chef mula sa iba’t ibang MICHELIN-starred restaurants.
Sinabi ni Gwendal Poullennec, International Director ng MICHELIN Guide, na matagal nang sinusubaybayan ng kanilang mga inspector ang pag-usbong ng Filipino culinary scene. Naniniwala silang makakatulong ang pagkilalang ito para mas makilala ang Filipino cuisine sa buong mundo.
Unang ginawa ang MICHELIN Guide noong 1900 sa France para makatulong sa mga motorista. Kalaunan, naging simbolo ito ng parangal sa pinakamahusay na kainan. Ngayon, ang isang MICHELIN star ay kumakatawan sa isang “napakahusay na restaurant,” dalawa para sa “paglulutong sulit dayuhin,” at tatlo para sa “natatanging karanasan na sulit puntahan.”