Ang mga motorcycle at bicycle riders sa Baguio ay maaaring kailangan nang magsuot ng reflectorized vests. Layon ng panukalang ito na masiguro ang kaligtasan sa kalsada, lalo na sa gabi at panahon ng fog.
Muling inihain ni Councilor Leandro Yangot, Jr. ang ordinansa na nag-aatas sa lahat ng riders na magsuot ng high-visibility vests na gawa sa fluorescent na kulay tulad ng neon green, dilaw, o orange na may reflective strips sa harap at likod. Dapat din itong magbigay ng maayos na galaw para sa mga riders.
Kapag naaprubahan, ipatutupad ito ng Public Order and Safety Division (POSD) at Baguio City Police Office (BCPO), mula 6:00 PM hanggang 6:00 AM. Ang multa ay ₱500 at warning sa unang offense, ₱1,000 sa pangalawa, at ₱2,000 plus impound ng sasakyan para sa susunod na paglabag.
May mga exemptions naman tulad ng mga riders na gamit para sa gobyerno, emergency response, o iba pang itatakda ng City Council. Sa ngayon, pasado na ito sa first reading at kasalukuyang sinusuri ng Committee on Public Utilities, Transport, and Traffic Legislation.
Layunin ng ordinansa na mabawasan ang mga aksidente sa gabi at sa mga delikadong kondisyon ng daan, at masiguro na ligtas ang mga motorista at bisita ng lungsod.