
Ang mga estudyante ng Bulacan State University (BulSU) ay hindi umatras at itinuloy ang campus walkout laban sa umano’y korapsyon sa flood control projects nitong Setyembre 19, kahit na kinansela ang face-to-face classes at inilipat sa online mode.
Naglagay ng mga banner na may nakasulat na “Campus Walkout Persists” sa iba’t ibang bahagi ng unibersidad. Nagpinta rin ng protest art ang ilang kabataan upang ipakita ang kanilang pagkakaisa.
Ayon kay BulSU Student Regent at SG President Roshan Reyes, ang walkout ay simbolo ng paglilingkod sa bayan. Aniya, “Hindi kami bingi, hindi kami bulag, at hindi kami duwag. Ang walkout ay panawagan ng hustisya at pananagutan para sa makatarungang kinabukasan.”
Pinuna rin ng grupong BulSUONE ang pamunuan ng paaralan sa kanilang pananahimik. Giit nila, dapat ay magsalita ang administrasyon laban sa korapsyon at hindi pigilan ang kilos-protesta.
Nadiskubre kamakailan ang mga “ghost projects” sa Bulacan, kabilang ang umano’y ₱55,000,000 na ghost river wall project sa Baliwag. Dahil dito, mas pinaigting ng kabataan at ilang sektor ang panawagan para sa accountability at mabilis na aksyon mula sa mga opisyal.