
Ang Setyembre 21 ay hindi lang anibersaryo ng martial law kundi araw din ng malalaking rally laban sa korapsyon. Dalawang pagtitipon ang gaganapin — sa Luneta at EDSA People Power Monument — para tutulan ang umano’y P1.9 trilyong anomalya sa mga flood control projects.
Sa umaga, magsisimula ang rally na tinatawag na “Baha sa Luneta: Aksyon Laban sa Korapsyon”. Pinangungunahan ito ng mga estudyante at aktibista. Panawagan nila na “flood Luneta” o dagsain ang lugar upang ipakita ang galit ng taumbayan laban sa mga politiko at kontraktor na diumano’y inuuna ang pera kaysa bayan.
Sa hapon, itutuloy naman ang “Trillion Peso March” sa EDSA People Power Monument. Pinamumunuan ito ng mga pari, pastor, at mga civic groups na layong buhayin ang diwa ng EDSA People Power. Hinihikayat nila ang mga lalahok na magsuot ng puting damit bilang simbolo ng pagkakaisa at pag-asa.
Ang korapsyon sa flood control projects ang sentro ng protesta. Sa loob ng 15 taon, sinasabing higit kalahati ng P1.9 trilyon na pondo ang nawala sa mga ghost projects at substandard na trabaho. Habang patuloy na lumulubog sa baha ang mga pangunahing kalsada, nananatiling biktima ang mga karaniwang Pilipino.
Inaasahan ang mabigat na trapiko sa paligid ng Luneta sa umaga at sa kahabaan ng EDSA sa hapon. Ang mensahe ng dalawang rally: magkaisa ang lahat laban sa korapsyon at huwag hayaan na maulit ang abuso at pandarambong sa bansa.